Monday, February 14, 2011

Ang Orasan

      Nagmamadaling naghanda si Kierr. Tiyak na mahuhuli na naman siya sa klase dahil gabi na siyang nakatulog. Tinapos pa kasi niya ang lahat ng kanyang mga proyekto na kailangan ng ipasa kinabukasan. Nang makarating na siya sa kanilang simpleng paaralan, nakasalubong niya ang kanilang punong-guro. Nagmamadali man siya ay buong-paggalang na binati niya ito. 
      
       Papasok na siya sa kanilang silid-aralan nang mapatapat siya sa "compuer room" ng kanilang paaralan. Napansin niyang bukas ang pinto nito. Bigla niyang naalala ang napanaginipan niya na may makikita siyang isang bilog at kulay itim na orasang nakasabit sa ding-ding na malapit sa pisara at maari niyang baguhin ang oras kung gugustuhin niya. Pumasok siya doon at isinara niya ang pinto upang walang makakita at makapansin   sa kanya. 
          
        Laking-gulat ni Kierr nang makita nga niya ang orasan. Kumuha siya ng upuan upang maabot iyon. Nang mapasakamay na niya ang orasan ay lumitaw ang  isang matandang lalaki sa harapan niya at pilit na inaagaw ang  orasan ngunit hindi siya nagpatalo. Gamit ang kanyang lakas, inagaw niya ito at  mabilis na binago ang oras katulad rin ng napanaginipan niya.
               
     Napunta siya sa loob ng kanilang silid-aralan at nalaman niya na "periodical test" na nila sa lahat ng asignatura at wala pa siyang naaaral. Ginamit niya ang orasan  upang makatakas sa pagsusulit. At simula noon ay palagi na siyang tumatakas sa klase. Hindi na rin siya gumagawa ng mg proyekto. Nalibang na siya sa paglalaro ng mga "computer games". 
           
        Isang umaga, nakita niyang dumaan ang kaibigan ng pinsan niya sa kanilang bakuran. Naalala tuloy niya ang pangarap niyang maging isang magaling na "computer programmer". Gusto na niyang makapagtrabaho agad at ayaw na rin niyang mag-aral.Naisip niya ang orasan.
      
        Nakarating siya sa kanilang paaralan, ang Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School. Malaki na ang ipinagbago nito. Mas  maayos at mas malinis na ito. Nadagdagan na rin ang mga silid-aralan. Marami na ring mga libro sa mga silid-aralan at iba pang mga kagamitan na kailangan ng paaralan.
              
        Biglang may narinig siyang tumawag ng kanyang pangalan. Nang lingunin niya ito'y may nakita niya ang isang makisig na lalaking papalapit sa kanya. Sa pananamit at sa itsura nito'y makikita na isa itong kagalang-galang na tao. Namukhaan niya ito . Ito ay si Miel, kakalase niya. Isa itong masipag at matalinong bata. Tahimik lamang din ito sa klase na animo'y may sariling mundo kaya hindi siya masyadong malapit dito.              
            
         Kinausap siya nito tungkol sa maayos niyang trabaho. Noon lamang niya nalaman na may hawak siyang walis at pandakot dahil nalibang siya sa pagmamasid sa paaralan. Siya pala ang "janitor" ng paaralan nila. Malayung-malayo sa pinapangarap niyang trabaho. At dahil dito'y natatakbo siya.
              
       Hinanap ni Kierr ang orasan at natagpuan naman niya ito sa "computer room". Hindi na naman niya naiwasang mamangha. Marami na rin itong ipinagbago. Naging mas malawak na ito at nadagdagan na rin ang bilang ng mga "computers". Kinuha niya ito at pilit niyang binabago ang oras ngunit walang nangyayari. Muli'y nagpakita sa kanya ang matanda. Sinabi nitong makakabalik siya ngunit may kondisyon. Kailangan niyang mapigilan ang  dalawampung bata sa pagliban sa klase dahil kung hindi"y hindi na siya makakabalik pa.

         Bago matapos ang hapong iyon ay halos makumpleto na niya iyon at isa na lamang ang kulang. Habang naglalakad-lakad siya ay may nakita siyang isang grupo ng mga estudyante sa  "Grandstand ng paaralan. Narinig niya ang balak ng mga itong lumiban sa klase at magpalipas ng oras sa "computer shop". Nagtatakbo ang mga ito nang makita siya at ang tanging natira lamang ay ang isang binatilyong lalaki na animo'y kakambal niya. Tinawag siya nitong "Itay". Naisip niya na maaaring ito ang kanyang anak. Nilapitan niya ito at ipinaliwanag niya ang mga maaaring mangyari kung hindi siya mag-aaral ng mabuti. Niyakap siya nito at nagpasalamat sa kanyang mga paalala. Inihatid pa niya ito sa sasususnod nitong klase.

         Nang makabalik na si Kierr, binago niya ang buhay niya. Maaga na siyang pumapasok at pinagbutihan na rin niya ang kanyang pag-aaral. Nagtapos siya ng may karangalan. At pagkalipas ng ilang taon ay isa na siyang magaling na "computer teacher" sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School, ang paaralang naging bahagi na ng kanyang buhay at talaga namang kanyang minahal. Hinding-hindi niya malilimutan ang kakaiba niyang karanasan sa paaralang ito.
              
              

No comments:

Post a Comment